"There comes a certain point in life when you have to stop blaming other people for how you feel or the misfortunes in your life. You can't go through life obsessing about what might have been." - Hugh Jackman

Monday, February 21, 2011

Damuhan


Ilang lingo na ang nakakaraan, nanaginip ako. Nasa isang malawak na damuhan daw ako, walang matatanaw sa kalayuan kundi hamog at damo, at maraming alitaptap ang lumilipad na iba’t iba ang kulay ng ilaw sa paligid. Sa lugar na ito, kasama ko ang mga kaibigan ko, at kung tama ang natatandaan ko, may mga taong nakaputi at mahahaba ang buhok. At sa di kalayuan, may isang maliit na kantina. Hindi ko alam kung bakit may ganoon, nakatayo ito sa tabi ng dike na napupuno ng damuhan. Pagpasok ko sa loob, may isang taong naghihintay, maasikaso siya at mabait.
Ngunit kagabi, nakabalik ako sa lugar na iyon. Hindi ko alam kung paano ako nakabalik sa lugar na iyon samantalang sa panaginip lang ito. Tinawag lang ba ako ng mga engkanto sa lugar na iyon habang akoy nananaginip? O sadyang malikhain lang ang aking utak, ang sagot ay hindi ko alam.
Sa panaginip ko kagabi, magkasama kami ng babaeng mahal ko. Natapilok siya at hindi makalakad. Nagmadali akong humingi ng tulong sa loob ng kantina, hindi ko alam kung bakit kailangan kong magmadali, marahil ay may nagbabadyang panganib. Hindi ko alam kung ano ang panganib. Pagpasok ko sa loob, hindi ko maalalang tinulungan ako ng taong nagbabantay sa kantina, at nang subukan kong patunugin ang mga daliri ko, isa-isa silang naputol, at sa bawat isang daliring napuputol, napapalitan ng dalawang daliri ang mga ito, maliliit at payat. Nag panik ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, napuno ng pandidiri at pagkatakot ang puso ko, hindi ko alam ang gagawin hanggang sa...
...Imulat ko ang aking mata at bilangin ang aking mga daliri. Tama, sampu parin ang aking mga daliri, lima sa bawat kamay. At sa mga oras na isinusulat ko ang blog na ito sa Microsoft word, binilang ko ang daliri ko sa paa, walang labis walang kulang, sampu parin sila.
Gusto kong makabalik sa lugar, gusto kong malaman ang hiwagang bumabalot dito. Sana lang ay panaginip lang iyon at hindi nababalutan ng kababalaghan.

0 comments:

Post a Comment