Isang gabi, nakaupo ako sa isang lumang upuan sa bakuran ng bahay ng Lola ko. Nakatingala ako sa langit at pinagmamasdan ang mga bituin na nagniningning. Ano kaya ang pakiramdam na maging isang bituin? Ano ang pakiramdam na ikay tinitingala at ang makita ang mundong nasa ilalim mo na nagbabago sa pagdaan ng panahon. Pero nandito ako hindi upang magkwento tungkol sa mga bituin, nandito ako para magkwento tungkol sa mga kaibigan kong nagturo at dahilan ko kung bakit nakatingala ako sa mga bituin sa kalangitan.
Sampung buwan na din ang nakakalipas, nag-umpisa ang kwentong alam kong panandalian lamang, ngunit hindi ko inakalang babago sa aming lahat. Nagsimula ito nang magsama-sama ang 60 studyante sa iisang silid aralan sa isang pampublikong paaralan. May mga maiingay, may mga nagpapatawa, may mga nananahimik dahil bago lang sa klase, may mga nagpapacool, may mga feeling boss, may mga sumisilong lang sa kasikatan ng mga kaibigan, at may mga pangit, may mga pang model, may mga ninenerbyos at may isang gurong hinahayaan ang mga estudyante niyang magkamustahan at makipagkaibigan.
Alam ng lahat nang araw na iyon na ang ilangan, ang namumuong pagtitinginan, mga pagkakaibigan at kabaliwan ay maaaring lumala o mawala. At sa pagdaan ng panahon, sino ang mga-aakala na ang ilangan ay mawawala ng lubusan, ang pagtitinginan ay nagbunga ng pagmamahalan, ang pagkakaibigan ay nanatiling matatag, nabuong barkadahan, at ang kabaliwan ay lalong lumala.
Sa 10 buwan nilang magkakasama, sabay-sabay nilang nilabanan ang antok sa loob ng klase, sabay-sabay lumingon sa kaliwa at sa kanan upang manghingi, manghiram at manguha ng papel, bolpen, sagot sa quizes, suklay, pulbo at pabango, sabay-sabay magtawanan, sabay-sabay nakipaglaban sa mga kaaway, sinuportahan ang isa’t isa, marami ngang problema tulad ng pera, pag-ibig, away kaibigan, away bata, tampuhan, pamilya, at hindi nakapagreview kahit na alam na may long test sa 1st subject na sinabayan ng short quiz sa 2nd subject at tatlong magkakasunod na assignments sa hapon… pero kahit busy, tadtad parin ng pictures ang bawat araw nila, tulad ng pagkatadtad ng pimples ng mukha ng blogger nna ito few months ago.
Lumipas ang mga araw, naging ganap na columnist ang ilan sa pahayagan ng kanilang paaralan, naging photojournalist ang ilan at ang mga sablay ay naging photographer naman, ang ilan ay naging radio broadcaster, script writer at cast ng infomercial na nagtuloy-tuloy hanggang Regional School Press Conference.
Tignan mo nga naman sila, kahit busy sa pagiging member ng local media ng school nila, naharap paring Math wizards at Science genius! Solve dito, solve doon. Kulang nalang isolve ang formula ng pahinga, pati ba naman kasi reflection sa salamin sinosolve pa. Genius talaga, pati Araling Panlipunan nakijoin din sa solving. Ayos.
Mula sa mga loko-lokong bata, unti-unting binago ang mga studyanteng ito at hinubog upang maging mabuting tao, mamamayan, anak, kapatid, kaibigan, pamangkin, apo, inaanak, estudyante, kakilala………komyuter sa bus, komyuter sa jeep……..kapitbahay, kapitbaranggay…….. gala sa kanto, tanggero sa kung saan…… at isang makadiyos na tao.
Habang nagfiphysical fitness test, naaalala pa ang outputs na kailangang irush dahil deadline na kinabukasan. Habang nag-aaral ng musika ni Chopin, Beethoven at Stravinsky, inaalala din ang reporting ng isang napakalumang libro na pinag-aralan pa ata ng lolo ng taytay ng apo ng tiyuhin ng apon na anak na asawa ng biyudong kalbo na may apong engot na nakapangasawa ng mayamang babae an bungisngis kung tumawa, ang El Filibusterismo.
Matapos ang sampung buwan na ganyan, dumating na ang panahon upang parangalan sila sa paghihirap nila sa High School…
Nalalapit na sila sa pagtatapos, ilang pahina nalang ang natitira, magwawakas na ang kwento ng 60 studyante na pinagbuklod ng panahon, sinubok ng pagkakataon… maghihiwalay-hiwalay na ng landas ang mga batang tinaguriang “IV-2 Guild,” ng Bayambang National High School.
Ipinikit ko ang aking mga mata at nakaramdam ng sakit sa dibdib at luhang dumadaloy mula sa aking mata pababa sa aking pisngi na dumaloy hanggang sa aking mga labi… muli akong tumingala sa mga bituin at alam ko sa mga oras na iyon, na ang mga ala-ala ng 10 buwan na iyon na inukit namin sa paaralan ng BNHS ay hinding hindi mawawala sa paglipas ng panahon… at sa muli nilang… este sa muli naming magkikita-kita at pagsasama-sama ay wala ng dahilan upang maghiwahiwalay pa.